Page header image

Shingles

(Shingles)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang shingles ay isang makirot na pantal sa balat na sanhi ng parehong virus na nagiging sanhi ng bulutong-tubig.
  • Kung nagkaroon ka na ng bulutong-tubig, nananatili ang virus sa iyong katawan at maaari muling maging aktibo sa anumang oras sa iyong buhay at maging sanhi ng shingles.
  • Ginagamot ang shingles sa pamamagitan ng antiviral at iba pang gamot. Kung hindi ka pa nagkaroon ng bulutong-tubig, maaari kang magpabakuna para makatulong maiwasan ang impeksyon sa virus ng bulutong-tubig.

________________________________________________________________________

Ano ang shingles?

Ang shingles ay isang makirot na pantal sa balat na sanhi ng parehong virus na nagiging sanhi ng bulutong-tubig.

Ang shingles ay tinatawag din na herpes zoster. Ang sakit na ito ay pinaka-karaniwan sa mga taong higit sa 50 taong gulang.

Ano ang sanhi?

Ang virus na nagiging sanhi ng bulutong-tubig at shingles ay tinatawag na varicella zoster. Pagkatapos mong makapagpagaling mula sa bulutong-tubig, ang virus ay nananatili sa iyong katawan ngunit ito ay hindi aktibo. Ang virus ay maaaring maging aktibo muli sa anumang panahon sa iyong buhay at magsanhi ng shingles kung mapahina ang immune system ng iyong katawan tulad ng:

  • Sakit
  • Chemotherapy o radiation
  • Ilang gamot, tulad ng mga steroid
  • Pagtanda

Maaaring maging mas mataas ang iyong panganib na magkaroon ng shingles kung ikaw ay dumaranas ng maraming stress. Paminsan-minsan nangyayari ang shingles nang walang alam na dahilan.

Hindi ka magkakaroon ng shingles maliban kung nagkaroon ka na ng bulutong-tubig, at hindi ka makakakuha ng shingles mula sa isa pang tao. Gayunman, ang isang tao na may shingles ay makapagpapakalat ng bulutong-tubig sa isang tao na hindi pa nalantad sa virus ng bulutong-tubig. Kumakalat ang virus sa pamamagitan ng pagkakadikit sa mga paltos, na nag0lalaman ng buhay na virus sa likido. Ang mga paltos ay hindi na nakakahawa pagkatapos na matuyo ang mga ito at makabuo ng mga langib.

Ano ang mga sintomas?

Ang unang mga sintomas ay maaaring kabilang ang:

  • Mainit, matinding pangingirot; pangingilabot; o pamamanhid sa iyong balat sa isang panig ng iyong katawan, ulo, o mukha
  • Matinding pangangati o pangingirot
  • Pakiramdam na napapagod
  • Pakiramdam na magkakasakit na may lagnat, pangingiki, pananakit ng ulo, at pagkasira ng tiyan o sakit sa tiyan

Isa hanggang 14 na araw pagkatapos mong magsimulang makaramdam ng pananakit, mapapansin mo ang isang pantal ng maliliit na paltos sa mapulang balat. Sa loob ng ilang araw pagkatapos lumabas ang pantal, ang mga paltos ay magiging dilaw, pagkatapos ay matutuyo at bubuo ng mga langib. Sa susunod na 2 linggo ang mga langib ay malalaglag, at maghihilom ang balat sa susunod na ilang araw hanggang sa mga linggo.

Ang mga paltos ay kadalasang matatagpuan sa isang landas, kadalasang umaabot mula sa likod o gilid palibot sa gitna ng tiyan. Ang mga paltos ay kadalasang nasa isang gilid lang ng katawan. Maaari rin lumabas ang mga ito sa isang gilid ng iyong mukha o anit. Ang makirot na pantal ay maaaring nasa bahagi ng iyong tainga o mata. Kapag umabot sa ibabaw ng ulo o anit ang shingles, maaari itong magsanhi ng pagkahina sa isang panig ng mukha, na ginagawang mukhang nakaluyloy ang panig ng mukha na iyon.

Papaano itong sinusuri?

Tatanungin ng iyong healthcare provider ang tungkol sa iyong mga sintomas at medikal na history at eeksaminin ka. Ang diyagnosis ay kadalasang kapuna-puna mula sa mga sintomas at sa pantal. Kung gustong kumpirmahin ng iyong provider ang diyagnosis, maaaring magkaroon ka ng mga pagsusuri sa laboratoryo para hanapin ang virus sa likido mula sa isang paltos.

Papaano itong ginagamot?

Makakatulong ang mangilan-ngilang gamot para gamutin ang shingles. Maaaring bigyan ka ng iyong healthcare provider ng:

  • Gamot na antiviral para matulungang kang gumaling nang mas mabilis.
  • Mga pildoras o pamahid para tulungang mapawi ang kirot
  • Gamot na antibacterial para gamutin ang bacterial na impeksyon ng paltos

Sa karamihan ng tao, ang pananakit ng shingles ay nawawala sa una o pangalawang buwan pagkatapos maghilom ang mga paltos. Kung mayroon kang mga shingles sa iyong ulo o anit, maaaring mas tumagal ito para mawala ang kirot. Minsan sumisira ang virus ng nerve. Maaaring magdulot ito ng pananakit, pamamanhid, o pangingilabot nang ilang buwan o maski mga taon pagktapos maghilom ang pantal at tinatawag na postherpetic neuralgia. Mas matanda kang nagkaroon ng shingles, mas malamang na magkakaroon ka ng postherpetic neuralgia. Ang pag-inom ng mga gamot na antiviral sa sandaling masuri bilang shingles ay maaaring makatulong maiwasan ang problemang ito.

Papaano kong pangangalagaan ang sarili ko?

Narito ang ilang bagay na magagawa mo para makatulong paginhawahin ang pangingirot:

  • Uminom ng hindi inireresetang gamot sa pananakit, tulad ng acetaminophen, ibuprofen, o naproxen. Basahin ang label at inumin tulad ng inuutos. Maliban lang kung inirerekumenda ng iyong healthcare provider, hindi mo dapat inunim ang mga gamot na ito nang higit sa 10 araw.
    • Ang mga nonsteroidal anti-inflammatory medicines (NSAIDs), tulad ng ibuprofen, naproxen, at aspirin, ay maaaring magsanhi ng pagdurugo ng bituka at iba pang problema. Ang mga peligrong ito ay tumataas sa edad.
    • Ang acetaminophen ay maaaring maging sanhi pinsala sa atay o iba pang problema. Maliban lang kung inirerekumenda ng iyong provider, huwag iinom nang higit sa 3000 milligrams (mg) sa 24 na oras. Para makasigurado na hindi ka iinom nang sobra, tingnan ang iba pang gamot na iniinom mo para malaman kung naglalaman din sila ng acetaminophen. Tanungin ang iyong provider kung kailangan mong iwasan ang pag-inom ng alkohol habang iniinom ang gamot na ito.
    • Alamin sa iyong healthcare provider bago ka magbigay ng anumang gamot na naglalaman ng aspirin o salicylates sa isang bata o teen. Kasama rito ang mga gamot tulad ng baby aspirin, ilang gamot sa sipon, at Pepto-Bismol. Ang mga bata at teen na umiinom ng aspirin ay nasa peligro ng isang malalang sakit na tinatawag na Reye’s syndrome.
  • Maglagay ng malamig, mamasa-masang pamunas sa pantal.
  • Subukang huwag hayaang makiskis ang damit o mga telang panghigaan sa pantal at maiirita ito.

Magpahinga sa higaan kung mayroon kang lagnat at iba pang sintomas ng sakit.

Tanungin ang iyong healthcare provider:

  • Paano at kailan mo makukuha ang mga resulta ng iyong pagsusuri
  • Gaanong katagal para makapanumbalik sa dating lakas ng katawan mula sa sakit na ito
  • Kung may mga aktibidad na dapat mong iwasan at kung kailan ka makababalik sa mga normal na aktibidad
  • Papaanong pangalagaan ang iyong sarili sa bahay
  • Anong mga sintomas o problema ang dapat mong subaybayan at ano ang gagawin kung magkakaroon ka ng mga ito

Siguruhin na alam mo kung kailan ka dapat bumalik para sa isang checkup. Puntahan ang lahat ng appointment para sa pagpapatingin o eksaminasyon ng provider.

Papaano akong makakatulong iwasan ang shingles?

Kung hindi ka pa nagkaroon ng bulutong-tubig, maaari kang magpabakuna para makatulong maiwasan ang impeksyon sa virus ng bulutong-tubig. Karamihan sa mga bata ngayon ay nakakapagbakuna para maiwasan ang bulutong-tubig.

Kung ikaw 50 o mas matanda, makakakuha ka ng ibang bakuna na tumutulong maiwasan ang shingles. Inirerekumenda ang bakuna ng shingles para sa lahat nang may sapat na gulang na 60 at mas matanda nang walang pagtatangi kung natatandaan nilang nagkaroon na o hindi ng bulutong. Ang bakuna ng shingles ay hindi palaging nakakapag-iwas sa shingles. Gayunman, kung makakukuha ka ng shingles minsan pagkatapos na makapagbakuna ka, maaaring hindi ka gaanong magkaroon ng pangingirot. Ang mga bakuna ng shingles ay hindi ginagamit para lunasan ang shingles sa sandaling magkaroon ka nito.

Maaari mo rin mabawasan ang iyong pagkakataon na makakuha ng shingles sa pamamagitan ng pagpapanatiling nakokontrol ang stress, pag-eehersisyo nang regular, at pagkain ng malusog na diyeta.

Kung mayroon kang shingles, siguruhin na hindi lalapit sa iyo ang sinuman na hindi pa nagkaroon ng bulutong-tubig o bakuna ng bulutong-tubig hanggang sa ganap na matuyo ang mga paltos. Hindi ka na nakakahawa pagkatapos na matuyo ang mga paltos at makabuo ng mga langib.

Developed by Change Healthcare.
Pediatric Advisor 2018.1 nilathala ng Change Healthcare.
Huling binago: 2017-01-27
Huling narepaso: 2016-10-31
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
© 2018 Change Healthcare LLC and/or one of its subsidiaries
Page footer image