Page header image

Hika: Pangkapaligirang Kontrol

(Asthma: Environmental Control)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Ang hika ay isang hindi gumagaling na sakit sa baga na sanhi ng pag-ubo, paghinga ng may tunog, at pangangapos ng hininga.
  • Ang mga sintomas ay maaaring lumubha kapag nalantad ang iyong anak sa mga nagpapasimula ng hika tulad ng paninigarilyo, pollen, amag, alikabok, o iba pang bagay sa kapaligiran.
  • Ang pagbawas ng pagkalantad sa mga tapagpasimulang ito ay tutulong para maiwasan ang problema sa inyong anak.

________________________________________________________________________

Ang hika ay isang pangmatagalang (hindi gumagaling) sakit sa baga. Nagiging sanhi ito ng pag-ubo, paghuni, at kakapusan ng hininga.

Ang mga sintomas ng hika ay sanhi ng dalawang magkaibang problema sa mga daluyan ng hangin.

  • Ang isang problema ay ang mga kalamnan na nasa daanan ng hangin ay humihigpit, na nagiging sanhi ng paninikip ng dibdib at paghuni.
  • Ang iba pang problema ay pamamaga, iritasyon at sobrang plema sa mga daluyan ng hangin.

Kung may hika ang iyong anak, kadalasang nagsisimula ang mga sintomas pagkatapos na malantad na malantad ang iyong anak sa isang nakapagpapasimula. Ang mga nagpapasimula ng hika ay maaaring isama ang:

  • Ehersisyo
  • Mga allergy, tulad ng alikabok, polen, amag, o balahibo ng hayop
  • Isang bagay na nakapag-iirita ng mga baga ng iyong anak, tulad ng malamig na hangin, usok, o matapang na amoy tulad ng pintura o pabango
  • Mga gamot tulad ng aspirin o mga NSAID

Piliting limitahan ang iyong anak na madikit sa mga nakakapagpasimulang ito, lalo na sa mga lugar na madalas magpalipas ng oras ang iyong anak, tulad sa bahay at paaralan.

Paninigarilyo

Ang usok ng sigarilyo, pipa, at tabako ay nakakapinsala sa mga bata at matatanda sa pangkalahatan, ngunit ang usok ay isang mas malaking problema sa mga batang may hika. Kahit na ang amoy ng usok sa mga damit ay maaaring makapagpasimula ng mga sintomas ng hika sa isang bata na may mga sensitibong daluyan ng hangin. Ang mga batang naninirahan sa isang pamamahay na may isang naninigarilyo ay hindi rin gaanong makakalakhan ang kanilang hika.

Ang mga batang may hika ay hindi dapat magpalipas ng anumang oras sa mga lugar kung saan may usok. Walang sinuman ang dapat manigarilyo sa bahay, at walang sinuman ang dapat manigarilyo sa isang kotse na may nakasakay na isang bata na may hika.

Mga polen

Ang mga polen ay maliliit na butil pinapakawala sa ere ng mga halaman tulad ng mga puno at damo. Ang dami ng polen na nasa hangin sa labas ng bahay ay nag-iiba-iba sa panahon at sa oras ng araw. Ang dami ng polen at amag sa labas ng bahay ay malamang na magiging mas mababa sa umaga at mas mataas sa katanghalian at sa hapon.

Ang mga polen mula sa mga damo, at mga puno ay magaan at maaaring madala sa hangin nang milya-milya. Ang mga polen na ito ay humahantong sa mga mata, ilong, at mga daluyan ng hangin, na nagiging dahilan ng mga allergy at hika. Ang mga polen ng bulaklak ay mas mabigat at dinadala ng mga insekto sa bawat halaman imbes na sa hangin. Bilang resulta, ang mga polen ng bulaklak ay madalang na nagiging sanhi ng mga allergy. Bagamang ganap na mahirap iwasan ang mga polen, kabilang sa ilang mungkahi ay:

  • Panatilihing nakasara ang iyong mga bintana (lalo na sa silid-tulugan ng iyong anak), at gumamit ng central air conditioning sa panahon ng mga polen. Kung ginagamit ang isang air conditioner sa silid, muling palibutin ang hangin sa loob imbes na hataking papasok ang hangin mula sa labas. Ang mga panlinis ng hangin ay maaaring makatulong kung pananatilihing malinis ang mga panlinis. Ang mga pansala na HEPA (high efficiency particulate air) ang pinakamainam. Hugasan o palitan ang mga pansala ng hangin minsan sa isang buwan.
  • Pagkatapos manggaling sa labas sa panahon ng allergy, dapat kaagad na maligo at magpalit ng damit ang iyong anak. Huwag pananatilihin ang maruruming damit sa mga silid-tulugan dahil maaaring may polen sa mga damit.
  • Madalas na tabasin ang damuhan. Nililimitahan nito ang dami ng pinakawalang polen. Ang iyong anak ay dapat wala sa malapit na bahagi kapag tinatabas ang damuhan.

Mga amag

Makikita ang mga amag sa buong taon sa lahat ng dako ng bahay, labas ng bahay, at sa mga pagkain, lalo na sa mga lugar na mataas ang kahalumigmigan. Nililipad ng hangin sa paligid ang mga agma pareho sa labas at loob ng bahay. Ang mga banyo at mamasa-masang mga basement ang karaniwang mga lugar na pinagtutubuan ng amag. Ang amag ay malamang din na tumubo sa mga swamp cooler, humidifier, at bandehado ng tuluan ng refrigerator at crisper. Narito ang ilang paraan para mabawasan ang pagtubo ng amag:

  • Pinipigilan ng ilaw at bentilasyon ang pagtubo ng amag. Sa banyo, linisin nang lubusan at madalas ang tile, mga sahig, shower curtain, at tub. Linisin din ang ilalim ng lababo. Gumamit ng panglinis na solusyon na pinapatay ang mga amag. Bilang halimbawa, maaari kang gumamit ng pinalabnaw na pambahay na pangkula (1 tasa ng pangkula sa 10 tasa ng tubig).
  • Kumpunihin ang mga tumutulong gripo at tubo. Piliting maalis ang mga tulo at nakaimbak na tubig.
  • Gumamit ng pintura imbes na wallpaper sa iyong mga pader. Mas mainam na pinipigilan ng mga pinturang enamel ang pagtubo ng amag kaysa sa pinturang latex. Ang isang sangkap na antifungal ay maaaring idagdag sa mga pintura para mapigilan ang amag sa pagtubo.
  • Pinakamainam na panatilihin ang kahalumigmigan sa bahay sa pagitan ng 30 at 50%. Bumili ng humidifier para maalis ang kahalumigmigan ng hangin kung naninirahan ka sa isang mahalumigmig na klima. Makakatulong ang mga humidifier na mapigilan ang amag sa pagtubo sa mga mamasa-masang lugar tulad ng mga basement. Maghanap ng mga lugar na namamasa mula matitinding pag-ulan at kumpunihin ang anumang tulo na makikita mo. Madalas na alisan ng tubig at linisin ang patuluang bandeha.
  • Iwasan ang mga sumisingaw na cooler, vaporizer, at mga humidifier na may imbakan ng tubig, kung magagawa mo, dahil ang mga ito ay tamang-tamang lugar para sa pagtubo ng amag at bakterya. Kapag pinapaandar ang mga appliances na ito, ang mga amag at bakterya ay maaaring mai-i-sprey sa buong bahay. Kung gagamit ka ng isa, araw-araw alisan ng laman ang imbakan ng tubig, linisin ito ng sabon at tubig, at ganap na patuyuin ito. Dapat muling mapunan ang imbakan ng tubig bago lamang gamitin.
  • Mga greenhouse, tambak ng pang-abono, at mga bahay na maraming halaman ay kadalasan rin nagkakaroon ng mga amag. Takpan ng foil ang lupang pangpaso ng mga halamang pambahay para mabawasan ang pagkalat ng mga spore ng amag.

Alikabok sa Bahay

Maraming bagay ang nasa alikabok sa bahay, kabilang ang dumi, mga labi ng insekto, dust mite, mga amag, nabakbak na kaliskis ng hayop, mga mumo ng pagkain, at bakterya. Nakukulektang alikabok sa bawat bagay sa bahay, kabilang ang mga kutson, sopa, damit, basahan, kurtina, at mga stuffed animal. Mahirap iwasan ang alikabok sa bahay, ngunit ang mga sumusunod na ideya ay makakatulong:

  • Iwasan ang mga kalat ng basura at mga sumasalo ng alikabok, partikular sa silid tulugan. Kabilang sa mga ito ang mga abubot, dekorasyon sa pader (mga larawan, pennant, at mga pantakip na tela sa pader), mga kurtina o blinds, salansan ng libro, at tambak ng mga papel o laruan.
  • Bigyan ang iyong anak ng nahuhugasan, "nonallergenic” na mga stuffed toy hangga’t maaari. Para sa mga bata na gustong matulog nang may malalambot na laruan, magtabi lamang ng isa o dalawang malambot na laruan sa kama, at hugasan ang mga ito linggu-linggo sa mainit na tubig (hindi bababa sa 130° F). Itago ang mga laruan, manyika, at laruang kagamitan sa labas ng silid tulugan o sa aparador.
  • Panatilihing nakasara ang pinto ng aparador ng silid tulugan. Madalas na i-vacuum ang sahig ng aparador. Itago lamang sa aparador ang mga damit na nasa panahon.
  • Ang mga sahig na walang gayak ang pinakamainam. Maaari mong palitan ang carpet ng nahuhugasan, hindi nakadudulas na mga rug. Madalas na mamasa-masang i-mop ang mga sahig. Kung may carpet ka, i-vacuum nang madalas at lubusan. Madalas na palitan ang mga pansala ng vacuum. Maagang mag-vacuum at mag-alikabok sa araw para hayaang mamalagi ang alikabok bago umidlip o matulog. Pinakamainam na mag-vacuum kapag wala sa bahay ang iyong anak o pamalagiin ang iyong anak sa iba pang bahagi ng iyong bahay nang 30 hanggang 60 minuto pagkatapos mong mag-vacuum. Siguruhing linisin ang ilalim ng muwebles at sa aparador.
  • Ang mga kutson ay dapat na nasa mga pantakip na may panlaban sa allergen, tulad ng plastik. Makakakuha ka ng mga pantakip na may panlaban sa allergen kung saan nabibili ang mga linen ng kama. Dapat na naka-tape ang mga zipper o bukasan. Gumamit lamang ng mga unan na polyester. Takipan ang mga unan ng mga pantakip na may panlaban sa allergen o labhan ang mga unan bawat linggo sa mainit na tubig. Labhan din ang mga kumot, sheet, at mga punda sa napakainit na tubig (mas mainit sa 130° F, o 54.4° C) linggu-linggo. Mas malamig na tubig na ginagamitan ng detergent at pangkula ay uubra din. Iwasan ang mga produktong gawa sa balahibo, wool, kapok, o foam.
  • Ang mga forced-air furnace at air conditioner ay dapat na may sistema ng pangsala-ng-alikabok. Dapat palitan ang mga pansala tuwing 2 hanggang 4 na linggo. Ang mga pansala ay maaaring putulin para matakpan ang mga vent ng kuwarto kung ang pangunahing mga pansala ng furnace ay hindi mapapalitan tuwing 2 linggo. Ipalinis sa dalubhasa ang mga daluyan ng malamig at mainit na hangin nang kahit tuwing 4 hanggang 5 taon.

Mga alagang hayop

Makikita ang mga allergen sa laway, balakubak, at ihi ng hayop. Magsasanhi ang mga ito ng mga allergic reaction sa maraming tao. Maaaring maging mas sensitibo ang mga bata sa isang klase ng hayop (tulad ng mga pusa) kaysa sa ibang uri. Ang lahat ng mabalahibong hayop ay maaaring magdulot ng mga allergic reaction. Ang mga cold-blooded na reptilya, tulad ng mga ahas, pagong, bayawak, at isda, ay hindi nagdudulot ng mga problema.

Kung sensitibo ang iyong anak sa mga hayop at may alagang hayop, ang pinakamagandang bagay ay alisin ang alagang hayop sa iyong bahay. Ang pamimigay ng alagang hayop ng pamilya ay napakahirap, ngunit kung sobrang sensitibo ang iyong anak, maaaring kailangan ito. Sa sandaling mawala ang alagang hayop, linisin nang lubos ang bahay. Ito’y lalong mahalaga na linisin ang pinalamanang muwebles, mga pang-ibabaw ng pader, rug, kurtina, at mga heating at cooling system.

Kung magpapanatili ka ng alagang hayop na sensitibo ang iyong anak, dapat tumira sa labas ang alagang hayop at HINDI MAAARING sa loob ng silid tulugan ng bata. Panatilihing nakasara ang pintuan ng silid tulugan ng iyong anak. Huwag papasukin ang mga alagang hayop sa mga lugar at kuwarto na pangpamilya kung saan natutulog sa lahat ng oras ang mga batang may hika.

  • Linggu-linggong paliguan ang mga alagang hayop.
  • Maghugas ng mga kamay pagkatapos na pagkatapos hawakan ang isang alagang hayop.
  • Ipahugas, ipa-brush, o pasuklayan ang mga alagang hayop o ipalinis ang mga kulungan ng hayop o mga lugar ng dumihan sa labas ng bahay sa isang miyembro ng pamilya na hindi allergic.
  • Regular na palitan ang mga pansala ng furnace at air conditioner.

Mga ipis

Ang mga ipis at ang kanilang mga dumi ay isang pangunahing nagpapasimula ng allergy at pinalalala ang mga sintomas ng hika. Para matanggal ang mga ipis:

  • Ilagay ang pagkain at basura sa mga sisidlan na may mahihigpit na takip. Ilabas nang madalas ang basura.
  • Huwag mag-iiwan ng pagkain. Lalong huwag ipasok ito sa mga silid tulugan. Huwag mag-iiwan ng pagkain ng alagang hayop o maruruming mangkok ng pagkain.
  • I-vacuum o walisin ang sahig, hugasan ang mga pinggan, at punasan ang mga countertop at ang kalan pagkatapos na pagkatapos kumain.
  • Pasakan ang mga bitak sa paligid ng bahay para makatulong mapigilang makapasok ang mga ipis.
  • Huwag mag-iimbak ng mga paper bag, diyaryo, o mga kahon ng cardboard.
  • Gumamit ng mga istasyon ng pain at iba pang lason sa ipis na ligtas sa kapaligiran. Ilayo ang mga produktong ito sa mga bata at alagang hayop.

Ehersisyo

Sa hikang nahihikayat-ng-ehersisyo, maaaring magkaroon ng mga sintomas ang iyong anak:

  • Habang o pagkatapos ng pisikal na aktibidad at kapag mahirap, mabigat, o mabilis ang paghinga
  • Kapag malamig ang hangin
  • Kapag napakababa o napakataas ng kahalumigmigan
  • Kapag mayroong maraming polusyon sa hangin
  • Kapag maraming allergen sa hangin

Hindi kailangang iwasan ng iyong anak ang lahat ng ehersisyo at iba pang pisikal na aktibidad. Ang pag-eehersisyo na pangpainit bago ang isang masiglang ehersisyo ay maaaring makatulong maiwasan ang isang atake ng hika. Kadalasang maiiwasan ng iyong anak ang mga sintomas sa paggamit ng mabilis-na-panglunas na gamot nang 15 hanggang 30 minuto bago mag-ehersisyo.

Polusyon ng hangin

Ang iba’t ibang klase ng pampadumi ng hangin sa loob at labas ng bahay ay maaaring magpalubha sa hika. Kabilang dito ang ozone, alikabok, usok, mga amoy ng pintura, at matatapang na pabango o masasamang amoy. Ang mga kundisyon ng panahon tulad ng malamig na temperatura at mababang kahalumigmigan ay maaaring makapagpalala sa hika, lalo na sa mga araw na mataas ang polusyon.

  • Tingnan ang mga serbisyo ng balita para sa pang-araw-araw na index ng polusyon at dami ng polen.
  • Iwasan ang hindi kinakailangang pisikal na aktibidad sa labas ng bahay kapag mataas ang index ng polusyon o dami ng polen.
  • Iwasan ang paggamit ng fireplace o kalan na sunugan ng kahoy, pangpainit na di-gaas, o kalang di-gas o pangpainit na walang labasan.
  • Iwasan ang panloob na pagkakalantad sa pabango, talcum powder, spray sa buhok, mga air freshner, fabric softener, bagong carpet o particleboard, o iba pang matatapang na amoy o mga spray.

Mga sulfite

Ang mga sulfite ay mga preservative ng pagkain na makikita sa ilang pagkain, tulad ng hipon, de-latang tuna, pinatuyong prutas, mga pickle, at olive. Bihira, na maging sanhi ng malalang hika ang mga sulfite sa ilang bata.

Mga gamot

Ang hikang naimpluwensyahan-ng-aspirin ay hikang nagsisimula sa pamamagitan ng pag-inom ng aspirin o iba pang nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAID). Ang aspirin, ibuprofen, at naproxen ay mga NSAID. Ang ganitong uri ng hika ay hindi karaniwan sa mga bata.

Kung may hika ang iyong anak, gumamit ng mga NSAID tulad ng ibuprofen nang may pag-iingat. Huwag magbibigay ng aspirin sa mga batang 18 taon o mas bata maliban lang kung sinabihan ng iyong healthcare provider. Ito ay dahil sa peligro ng Reye's syndrome (isang sakit na nagdudulot ng pamamaga ng utak at atay).

Sipon at Trangkaso

Pinalalala ng sipon at trangkaso ang hika at kadalasang nagpapasimula ng mga atake ng hika. Para tulungang maiwasan ang sipon at trangkaso:

  • Piliting iwasan ang malapit na pakikisalamuha sa mga tao na may sipon o trangkaso.
  • Turuan ang iyong anak na maghugas ng mga kamay bago kumain at kapag nalantad sa iba pa na maaaring may sipon o trangkaso.
  • Siguraduhin na nakakakuha ng taunang bakuna sa trangkaso ang iyong anak. Nakakatulong ito na maiwasan ang mga kumplikasyon ng trangkaso para sa mga bata na may hika.
Developed by Change Healthcare.
Pediatric Advisor 2018.1 nilathala ng Change Healthcare.
Huling binago: 2017-12-18
Huling narepaso: 2017-06-26
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
© 2018 Change Healthcare LLC and/or one of its subsidiaries
Page footer image